Friday, October 28, 2011

Sino nga ba si Mampurok?

"Panahon pa yan ni Mampurok!"

Malimit naririnig mo yan para sabihing luma o di kaya matagal ng nakabaon sa limot ang isang ideya.

Sino nga kaya si Mampurok? Di ko alam kung may kinalaman ang kwento ko ngayon sa madalas na pinag-uusapan ng aming mga nakakatanda. Bumalik sa aking isipan ang pangalang ito ng minsan napagala ako sa internet ukol sa imahe ng mga Manuvu sa isang librong "Mindanao on the Mend" - na naglalahad ng mga kontemporaryong pamumuhay ng mga Manuvu sa anino ng bangayan sa pagitan ng mga rebeldeng Maguindanaoan at mga hukbo ng pamahalaang sentral ng Pilipinas.

Heto ang kwento:
Noong panahon daw ng mga Amerikano, merong isang pamayanan sa Bentangan, Carmen, North Cotabato na naging sentro ng pamumuhay ng mga manuvu. Sa panahong ito, inuutos ang sapilitang pag-aaral ng mga tao sa sistemang edukasyon ng mga kano. Marami sa mga Datu ng Maguindanaon ang sumunod sa panawagan na ito. Sino nga ba ang hindi ma-enganyo sa makabagong sistema ng edukasyon na libre? Isang bagay na pinagkait sa atin ng mga Kastila. Sa banderang dapat hindi tayo maging mangmang kaya maraming mga magulang ang pinadala ang kanilang mga anak para mag-aral.

Ngunit marami sa mga katutubo ang takot sa pagbabagong ito. Kaya imbes na hahalo sa mga kapatid na Maguindanaoan at Kristiyanong kolono (ang tawag sa unang mamamayang nagmula sa Luzon at Visayas), minabuti ng mga Manuvu na manatili sa kabundukan at mamuhay sa paraang alam nila. Lingid sa kaalaman nila, ang pag-iwas na ito ay isa palang krimen sa mata ng mga namamahala.

Sa pagtayo ng kanilang sariling pamayanan, ang mga Manuvu sa lugar na ngayon ay tinawag na Bentangan ay namuhay ayon sa tradisyon, may sariling paniniwala na napaloob sa "Langkat" at ang sentro ng pamahalaan ay nakapalibot sa paniniwalang ito. Ang "Bintana" ay ang kapilya ng samahang ito at lahat ng mga batas, seremonyas, at ritwal ay nakapalibot sa estrukturang ito. Kung sa batayan ng mga nag-aaral ng politika, ang pamayanang ito ay isang estado na may malayang estrukturang pamahalaan o isang uri ng theocracy. Angkop ang sistemang ito sa kapanahunang yaon. Natulungan ng relihiyon ang pag-aalaga sa kalikasan. Kumbaga merong balanse ng progreso at kalikasan. Ang pamayanang ito ay pinamunuan ni Mampurok.

Ngunit naging suliranin ang sumusunod na mga taon. Marami sa mga kapatid na mga Maguindanaon ang ayaw pasakop sa pamahalaang Amerikano. Umalis sila at nakituloy sa pamayanang Manuvu sa Bentangan. Sagana ang Bentangan. Kaya mas lalong dumami ang umalis sa patag at tumira sa kumyon ng mga Manuvu. Bagamat taliwas sa paniniwalang Islam, ang mga Maguindanaon ay natuto sa sistemang Langkat. Sa panahong iyon, survival ang importante. Oo nga naman, sa panahong iyon. Mas sagana daw ang Bentangan kesa sa Pikit. Kahit yung ibang mga Manuvu sa ibang lugar ay lumipat din sa Bentangan. Naging marami ang tao sa Bentangan. Bagay na nagbibigay ng alinlangan sa mga Datung Maguindanaoan at pamahalaang Amerikano.

Pinalala ang sitwasyon na naging malawakan ang pagnanakaw ng baka at kalabaw mula sa mga rancho ng mga Kristiyano at Maguindanao sa kapatagan. At lahat ng magnanakaw ay di umano ay nagtatago sa Bentangan. Sa mata ng pamahalaan, ang Bentangan ay nagkakalong ng mga magnanakaw at suwail sa utos ng national integration. Sa mata ng mga Datu, ang Bentangan ay simbolo ng pagkaubos ng kanilang mga tauhan. Sa ngalan ng batas, kailangang disiplinahin ang Bentangan.

Ang pamahalaan ay nagpadala ng isang pulutong ng Philippine Constabulary sa pamumuno ni Lt. M. Sa ngalan ng kaayusan at batas, "nilipol" ng grupo ni Lt. M. si Mampurok at ang buong Bentangan. Madali nilang nagupo ang Bentangan kasi sistemang Langkat, bawal ang sandata sa loob ng pamayanan. Ano ang panama nila sa makabagong sandata ng mga PC kung ang mga Manuvu ay walang sandata? Isang masaker! Isang masakit na kabanata sa kasaysayang Manuvu. Ngunit sa kasaysayan ng pamahalaan, isang pagwagi laban sa "bandidong" si Mampurok at "alipores" nito.

Hindi ko alam kung sino ang nagsabi ng katotohanan. Pero ang alam ko isa sa mga dalagita na naka-survive sa ordeal na yun ay ang lola ko. Sa ngayon, bawat sabado ay patuloy pa rin ang pagsasayaw at chants sa tradisyong Langkat sa Bentangan. At bawat marso, umaakyat ang mga matatanda sa amin para sariwain ang pangyayari. Sa mga Kristiyano at Moro, si Mampurok ay nakabaon na sa limot. Pero sa puso ng isang Manuvu, laganap ang mga mampurok.


No comments:

Post a Comment