Sunday, October 30, 2011

Ang paglisan

Pilit namuhay si Fermin sa bigay na pera at mga hayop ni Castelo. Ngunit likas na lumalabas ang kanyang pagka mangangaso. Ngunit kahit anong patibong at paglilibot sa dati niyang kagubatan, wala na ang mga baboy ramo, wala na ang usa, wala na ang mga pukyutan. Unti-unti na ring nagsisi-alisan ang mga ibon at sarimanok sa parang at talahiban. Hindi siya marunong magpastol at mag-alaga ng hayop kaya naubos at ang iba ay namatay.  Naging malungkot si Fermin. Aanhin niya ang pera? Di niya alam.

Pinasya niyang sumangguni sa mga ninuno at sa tagapaglikha ng langit at lupa. Tumungo siya sa ilog at sa isang malaking bato nilatag ang mga alay para sa kalikasan at mga kaluluwa - isang manok na nilitson ayon sa nakagawian, insenso, mamah, kanin na binalot sa dahon ng saging, at tabako. "Mga ninuno! Halikayo at saluhan ninyo ako sa munting alay na ito". Gumawa siya ng apoy at sa ibabaw nito ay hinulog ang mga katas ng kahoy na habang tinutunaw ng apoy ay nagbibigay halimuyak ang amoy sa palibot. Ngumuya siya ng nganga na nasawsaw sa apog. Unting-unting pumula ang kanyang bunganga. Sinindihan niya ang tabako habang patuloy na nanawagan sa mga kaluluwang malapit. Walang nangyari.

Napaisip ng malalim si Fermin. Hindi mawari kung ano ang naging pagkakamali sa seremonya ngayon. Sa mga nagdaang mga kanduli, mabilis dumalo ang kaluluwa ng mga ninuno. Ang insenso at tabako ay parang pabango sa kanilang dimensyon. Ang nganga at apog ay isang paraan pakikipag-kumunyon sa mga kaluluwa sa kabilang mundo. Kaya hindi maisip ni Fermin kung bakit walang tumugon sa kanyang paanyaya. Lubos na kailangan niya ang payo ng mga ninuno.   

Sa pagod sa kahihintay, naidlip si Fermin sa ibabaw ng bato. Bigla siyang nagising ng may isang malaking hayop ang sumampa sa bato na kinaroroonan niya. Isang malaking buwaya. Isang maitim na buwaya. Yumuko si Fermin bilang pagbibigay galang sa nilalang. "Ipagpaumanhin mo Apo ang aking kapangahasan, nais ko lang pong malaman ang aking kinabukasan sa lupaing ito at ano po ang inyong payo." Iwinawagayway lang ng buwaya ang kanyang buntot at lumusob ulit sa tubig. Alam ngayon ni Fermin ang madilim na hinaharap niya. Kung puti lang sana ang kulay ng buwayang nagpakita sa kanya.

Malungkot siyang bumalik sa kanyang dampa. Ngunit sa pag-apak niya sa hagdanan ay kamakalug-kalog ang kanyang bahay. Pumiglas palabas ang mga bayawak mula sa loob ng kanyang dampa. Ito ay isang sumpa! Ang isang bahay na pinupugaran ng mga bayawak ay sinumpa! Agad-agad siyang gumawa ng apoy at sinimulang sunugin ang kanyang bahay. Mabilis na kumalat ang apoy sa kogon na atip. Ngunit biglang bumuhos ang malakas na ulan at naapula ang sunog. Hindi gusto ng mga ninuno ang nais niyang gawin.

Tumingala siya sa langit at humingi ng patnubay. Humingi ng palatandaan. Nakapikit siya nang maramdaman niya ang mainit na haplos sa kanyang mga pisngi. Naalalala niya ang haplos ng kanyang ina noong maliit siya. Sa kabila ng dagundong at malakas na ulan ay humawi ang ulap at naaninag ni Fermin ang araw. Ang init at sinag nito ay nagbigay sa kanya ng ibayong lakas. Doon niya nakita ang mga ibong nagsilabasan sa kagubatang unti-unting ng nakalbo. Animo'y nag-aanyaya sa kanyang lumisan sa lupang minana niya.

Ang agila ay umikot-ikot at tumungo sa direksyong silangan. Ang ibig bang sabihin kailangan din niyang tahakin ang direksyong ito? Sinundan niya ang mga ibon. Nagpapalitan ang ambon, hangin at araw sa kanyang landas. Tanda ng basbas, kaginhawaan at pagbibigay lakas sa kanyang paglalakbay. Hindi niya alam kung ano ang naghihintay sa kanya sa dako pa roon. Sapat na sa kanyang malaman na may patnubay siya mula sa Tagapaglikha.


(Ang kuwentong ito ay may kinalaman sa naunang kwentong "Si Luz at Fermin") 

No comments:

Post a Comment